Muling humakot ng parangal ang ilan sa mga TV5 stars sa katatapos lang na ika-9 na Golden Screen Movie Awards ng Entertainment Press, Inc.
Naiuwi ni Pinoy Explorer host Aga Muhlach ang ikalawang Best Actor trophy nito ngayong taon matapos ideklarang Best Performance by an Actor in a Leading Role-Drama sa kanyang pagganap sa pelikulang "In the Name of Love." Nauna nang itinanghal na Movie Actor of the Year si Aga sa 28th Star Awards for Movies.
Parehong Kapatid stars ang nag-tie sa Best Performance by an Actor in a Musical or Comedy, sina Edgar Allan Guzman ("Ligo Na U, Lapit Na Me") at Martin Escudero ("Zombadings 1: Patayin sa Takot si Remington"). Kamakailan lang itinanghal na Best Actor ang Kapitan Awesome actor na si Martin Escudero habang finalist naman ang Lokomoko star na si Edgar Allan Guzman sa parehong kategorya para sa mga nasabing pelikula.
Nakamit naman ng NEWS5 program manager na si Kristoffer Brugada Best Story trophy para sa indie film na "Patikul."
Samantala, iginawad ng Golden Screen Movie Awards ang Lino Brocka Lifetime Achievement Awardsa nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor. Ang naturang lifetime achievement award ang ikalawang parangal na natanggap ng Superstar ngayong taon matapos siyang mapasama sa "11 Pinaka Kapuri-puring Artista ng Dekada" ng Gawad Tanglaw.
Matapos ang enggrandeng pagbabalik ni Ate Guy sa telebisyon noong nakaraang taon sa kanyang bagong tahanan sa TV5, kaliwa't kanang parangal na ang tinanggap ng Superstar sa iba't ibang mga award-giving body, kabilang na ang Lifetime Achievement Award at Icon of Original Pilipino Music (OPM) mula sa PMPC Star Awards for Music, Honorary Originals of Philippine Cinema Award mula sa Cinema One Originals Independent Film Festival, Lifetime Achievement Award mula sa13th Cinemanila International Film Festival, at Hall of Fame sa Star Awards for TV.