Drama, mahika, at mga aral sa pagkalinga ng kalikasan ang mga elemento ng pinakaunang eco-fantasya sa telebisyon mula sa direksyon nina Joel Lamangan, Eric Quizon at Bb. Joyce Bernal.
Pasukin natin ang Eden, isang mahiwagang mundo ng mga makapangyarihang tagapangalaga ng kalikasan na pinamumunuan ni Reyna Jasmina at ng kanyang mga anak na sina Alvera, Valeriana at Quassia. Isang bawal na pag-ibig ang mamamagitan kina Alvera at Menandro, na ikagagalit ni Valeriana na umiibig din sa kawal. Sa kanyang paghihiganti, mawawatak ang magkakapatid at magugulo ang mapayapang mundo ng Eden.
Samantala, isang mapanganib na propesiya ang magwawalay kay Alvera at sa kanyang sanggol na si Aya. Subaybayan ang pakikipagsapalaran ni Aya sa daigdig ng mga tao, mula sa kanyang pagiging mapagmahal na anak at kapatid hanggang sa kanyang paglaki bilang “Dalagang Albularya” na may kakaibang karunungan sa mga halaman. Lingid sa kanyang kaalaman, ito ang muling bubuhay sa poot ni Valeriana, magbabalik ng pag-asa sa naghahanap na ina, at maglalapit sa kanya kay Mimosa – ang nakakaalam sa lihim ng kanyang pagkatao.